"Huwag kang manloko. Isipin mo nalang, kung anong mararamdaman mo kung ikaw ang lokohin.
Madame KC "Huwag kang manloko. Isipin mo nalang, kung anong mararamdaman mo kung ikaw ang lokohin.Mahirap panghawakan ang salita, lalo na kung hindi magkatugma ang sinasabi sa ginagawa."
Dear Madame KC, Tanya na lang po ang itawag ninyo sa akin. Nangungupahan ako sa mag-asawang Liezel at Albert (di totoong pangalan), wala po silang anak. Kinupkop nila ako nung ako'y nagkaroon ng problema sa aking dating rene-rentahan. May tatlong taon na rin kaming magkakaibigan at halos kapamilya na ang turing ko sa kanila at ganun din sila sa akin. Isang taon na akong nagungupahan sa mag-asawa. Kahit kailan ay hindi kami nagkaroon ng alitan o tampuhan. Dahil pang umaga ang shift ko at pang gabi naman sila, kaya bihira din kami mag kita-kita sa bahay. Hanggang nitong nag COVID pandemic, na laid off ako sa work, ganun din si Albert. Pero dahil essential worker si Liezel, siya lang ang kasalukuyang nag ta-trabaho. Halos araw-araw kami lang ni Albert ang naiiwan sa bahay. Tuwing na aabutan kong kumakain si Albert sa kusina, inaaya niya akong kumain ng sabay kaya’t sinasaluhan ko naman siya. Mayroon isang gabi na naging maganda ang aming kwentuhan, pero bigla akong nagulat ng nagtapat siya sa akin. Sa simula pa lang daw nung ako'y kanyang nakilala ay nagkaroon na daw siya ng interes sa akin. Kaya't sana’y hayaan ko raw siyang maipadama ang nararamdaman niya kahit sa isang saglit lang. Pinagbigyan ko siya at may nangyari sa amin ng gabing iyon. Parang balewala sa una ang nangyari dahil alam kong may asawa siya. Ngunit sa tuwing wala ang kanyang asawa ay nauulit iyon. Hanggang sa natutunan ko ng mahalin si Albert sa maikling panahon at dahil siya rin ang unang lalaking dumating sa buhay ko. Madame, alam kong ginusto ko ang lahat ng nangyari. Gusto ko ng kumawala sa ganitong klaseng set-up, nahihirapan na ako at nakokonsensiya. Ayokong dumating pa ang araw na malaman ni Liezel ang lahat at ayokong maging rason ng pagkasira ng kanilang pagsasama. Ayokong masaktan si Liezel at mabuwag ang aming pagkakaibigan. Malaki ang utang na loob ko sa kanya. Mahirap man pero dapat ko ng kalimutan si Albert. Alam kong malaki ang pagkakamali ko, lalong-lalo na kay Leizel. Balak ko na pong umalis na sa puder nila at magsimula ng panibagong yugto ng aking buhay. Paano ba ako magpapaalam sa kanila, lalo na kay Liezel? Wala naman akong pamilya dito. Saan ko sisimulan ang lahat?

Tanya Dear Tanya, Kay sarap ng may minamahal, ngunit kung ang minamahal mo ay may pananagutan na sa iba, hindi na ito tamang makihati pa. Hindi umiikot ang mundo sa iisang tao lamang, make wise choices. Hindi ka magtatagumpay sa kahit anong bagay kung may natatapakan o nasasaktan ka. Kung walang apoy, walang usok. Naniniwala ka ba sa ''women's intuition''? Huwag mong antaying mahuli kayo sa akto ng iyong kaibigan. Mas malaking gulo, mas malaking kahihiyan. Nakokonsensya ka dahil alam mo na hindi tama ang maki apid sa may asawa. Kung ano man ang pagkukulang ni Leizel bilang asawa kay Albert ay hindi ito tamang suklian ng pagtataksil. Trust can take years to build, but only a second to break. Magagawa mong mag bagong buhay. Kapag ginusto, maraming paraan. Hangga't nariyan ka sa puder nila, ay malapit ka lagi sa tukso. Hahayaan mo nalamang bang makulong sa isang sitwasyon na alam mo naman na kahit kelan ay hindi ito magiging tama? Ano man ang maging rason mo sa ngayon, ikaw pa rin ang talo sa huli. Manalig ka sa ating Panginoon at ikaw ay kanyang ibabalik sa tamang daan. Ang tunay at wagas na pagibig ay makakamtan lamang kung ikaw ay may kapayapaan sa iyong puso't isipan. ''Life's not about the people who act true to your face. It's about the people who remain true behind your back'' Nagmamahal, Madame KC